Habilin sa Ginintuang Palay
(Enero 21, 2010)
Ang kanin na inihain ni Inay
Sarap ang dala sa aming mesa
Huwag magtira ni isang mumo sa pinggan
Ito'y kanyang kabilin-bilinan
Kuwento pa ni Itay
Hirap at pasakit ang inani
Nilang mga magsasaka
Mula sa suwapang na panginoong maylupa
Ano nga bang hirap ang dinala
Nilang mga ganid sa lupang aming sinasaka?
At ako bilang bata
Ay kanila na ring sinasamantala
Bilad sa maghapong sikat ng araw
Pagod ang kalamnan sa pagbayo
Inagaw na nga lupang ninuno
Dinadaya pa ang umento
Buong angkan ay pinagtratrabaho
Manggagawang bukid ay dinudusta
Dinadahas pa ng mga buwitreng sundalo
Makita lang kaming nakikibaka
Kailan pa naging krimen ang makibaka
Hindi ba't sila dapat ang parusahan
Ang bulok na gobyerno
At ang mga alagad na berdugo nito
Sadya namang hindi hiwalay
Ang laban naming mga bata
Sa laban nila Inay at Itay
At laban ng lahat ng maralita
Hindi ko isasantabi ang kanilang huling habilin
Panawagan ninyo'y panawagan din namin
Makakamit din natin ang inaasam na tagumpay
Kasama ninyo kaming mga batang anakpawis...
(isang tula para sa mga magsasakang naghahangad ng tunay na repormang agraryo)


Except where otherwise noted, content on this site is licensed under a