Ito ang mariing binigkas ni Jocelyn Polborido, 30 anyos na ina ni Rafaela Polborido, ang dalawang taong gulang na batang namatay sa clearing operation ng militar sa Barangay Balanak, Ligao City, Albay noong Pebrero 18, 2009. Bahagi ito ng malawakang operasyong militar ng 65th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bulubunduking bahagi ng rehiyong Bicol at maging sa mga baybayin nito bilang paghahanda sa ehersisyong militar na Balikatan sa pagitan ng mga tropang Amerikano at Pilipino ngayong Abril.
Bakas sa pamilyang Polborido ang hinagpis at pagdurusa nang abutan ng mga kalahok ng psycho-social therapy mission na ginanap nitong Marso 14-16, 2009. Kabilang sa lumahok sa mission ang Children's Rehabilitation Center (CRC), Salinlahi Alliance for Children's Concerns, Center for Women's Resources (CWR), at BICOLANA-Gabriela at isang Fil-Canadian photojournalist mula sa Philippine Advocacy Through the Arts in Canada (Patac).