Marangal na Trabaho para sa Kanilang mga Magulang , Panawagan ng mga batang Pilipino

Quezon City, Philippines, May 01 2009 - “NAKIKIISA ang SALINLAHI Alliance for Children’s Concerns sa lahat ng mga manggagawang Pilipino na patuloy na ginigiit at nanawagan para sa sahod, trabaho at karapatan para sa kagalingan ng kanilang buong pamilya,” ito ang pahayag ni Sophia Garduce, tagapagsalita ng SALINLAHI sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Ayon kay Garduce, sa inulat ng Department of Labor and Employment o DOLE na 41,000 manggagawang nawalan ng trabaho sa unang kwarto ng taong ito, at tinatayang aabot sa 60,000 pa ang mawawalan ng trabaho sa unang bahagi lamang ng taong ito, may higit na 4M anak ang makakaranas ng gutom, di makapapasok sa susunod na pasukan o di kaya’y mapipilitang pumasok sa trabahong nagkokompromiso sa kanilang murang isipan at katawan para lang makatulong sa kabuhayan ng pamilya.

Inilahad din niya na sinabi mismo ng pamahalaan na upang mabuhay ng matiwasay ang isang pamilyang may apat na anak sa Metro Manila nangangailangan ito ng Php 882. 00 kada araw o Php 23, 640.00 kada buwan na malayong malayo sa minimum wage na Php 350.00. “Sa gitna ng lumalalang pandaigdigang krisis, lalo’t higit na nagiging makatarungan ang paggiit para sa Php125 dagdag na sahod”, ani Garduce.

Nababahala din ang SALINLAHI dahil kasabay ng di pagpansin ng gobyernong Arroyo sa matagal nang panawagan na ito, pinapakita pa nito ang lalong kawalan ng pakialam sa mga manggagawang Pilipino at sa kalagayan at kapakanan ng mga pamilya nila. Ayon sa tagapagsalita ng grupo, sa halip na ilaan nito ang badyet para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, sinusuhayan pa nito ang mga iskema ng mga malalaking negosyante para makaahon sa krisis gaya ng stimulus package at bail out package.

“Isang tahasang paglalapastangan sa mga manggagawa ang bail out package dahil ang pondo rito ay di lamang galing sa buwis ng mamamayan kundi sa pondo ng seguridad mismo ng pamilya ng mga manggagawa! Katulad ng ginawa sa SSS, GSIS, at OWWA kung saan maraming mga nanay at tatay ang umaasa rito para sa kanilang pagreretiro.  Kakainin na lamang ng mga anak ng manggagawa ay aagawin pa ng gobyerno,” mariing sinabi ni Garduce.

Idinagdag din ng SALINLAHI na ang kailangan ng mga batang anakpawis ay sustenido at disenteng trabaho para sa kanilang mga magulang.  “Ang panawagan para sa P125 dagdag sahod ay di lamang paggigiit para sa karapatan at interes ng mga manggagawa kundi lalo’t higit para sa mga karapatan at interes ng kanilang mga anak,” pagtatapos ni Garduce. ###